Banyuhay ng isang manunulat

Hindi ako yung tipikal na manunulat

Hindi ako yung tipong nakasalamin

O yung mananahimik na lang habang nakasandal sa dingding

At dito ay makagagawa agad ng mga berso, litanya’t mga talata

Na syang pag pinakinggan mo ay hahanga ka sa malaobra maestrong  tugma.

 

Hindi ako yung tipikal na manunulat,

Yung kayang sabihin lahat ng mga ideya, konsepto at mga hinaing

Na pag nabasa mo ba’y mapapagawa ka rin.

Yung temang makikita mo ang iyong repleksyon,

Sa bawat salita na tila may koneksyon

Sa mga karanasan, na may kakayahang

Ipaliwanag, sabihin at ipagsigawan

Ang lahat ng dati’y nasasaisip mo lang.

 

Hindi ako yung tipikal na manunulat,

Na kayang isalin ang mga salita, parirala

Na hindi nasasabi sa oras na ika’y matulala,

Sa mga  pagkakataong nasa harap na kita pagkatapos ay lahat ng inensayo ko buong gabi ay nawala.

 

 

Dahil ako, ay iyong nilalang na possibleng nakapagsusulat lamang kapag ako’y nasa tamang kondisyon,

O di kaya’y may okasyon o may sapilitang papel na dapat ipasa sa aking bokasyon

O nung mga sandaling dumaan ka at isinulat ko ng buong galak ang aking naramdaman sa aking talaarawan na tila ang bawat pangungusap ay mga kulisap na dinadala ako sa alapaap.

 

Ako yung tipong hindi masyadong gamay ang paggamit ng mga malalalim na katawagan, termonolohiya

Na dapat ilapat sa mga mapanuyong mga linya

Tulad ng mga ginagawa nila

Pero kahit urong ang dila ay nagawa kong sa ating dalawa,

Ikaw ang unang magpakilala at dito, Nakalikha ng isang talata

Na naglalarawan sa kung papaano tayo unang nagkita,

O kung anong kulay noon ang iyong suot na bestida,

Pabangong gamit mo nung inabot mo yung kamay mo at sinabing ikinagagalak mo akong makita.

 

Ako yung tipong hindi marunong humabi ng tula,

Ni tugma ay di ko kayang gumawa ,

Ni wala ring kakayahang maglapat ng mga bilang

Ngunit simula nung ikaw ay aking niligawan ay tila ayoko nang huminto sa paggawa ng mga ito,

Para bang may bahaghari na kumukonekta sa langit at sa ulo ko.

 

Ako yung tipong walang alam masyado sa literatura,

Hindi nakapagbasa ng bulto bultong obra maestra,

Bagamat nakuha kong pangitiin ka sa mga bugtong kong dala nung tayo’y minsang naglakwatsa,

Naupo sa damuhan kahit na damit mo’y magkamantsa

Ay ayos lang dahil ikaw ay labis na sumaya

Sa mga binato kong litanya, ngunit wala nang mas sasaya pa sa binatong mong pabalik na mga parirala,

“Mahal na kita”

At sa unang pagkakataon ay nadama ko ang tunay na ligaya.

 

Ako yung tipong di marunong gumamit ng tayutay,

Dahil hindi ko kayang pabulaklakin ang mga pahayag na nais kong isalaysay.

 

Ngunit simula nito ay nahanap kita sa lahat, sa himpapawid, sa dagat o gubat

Naihambing ko tayo sa lahat.

 

Naisa’akda ang bawat pintig ng aking dibdib, naisalin sa bawat pantig.

Nakalikha ng mga lirikong ukol sayo.

 

Dumating ang unos sa ating dalawa,

Bumagyo ng palitan ng maanghang na mga salita

Tila isang balagtasan na tayo ay ang magkabilang panig

at pagibig, pagmamahal ang nagsilbing lakandiwa.

 

Ngunit naniwala ka sa kasabihan,

Na ang di marunong lumingon sa nakaraan

Ay di makararating sa paroroonan.

 

Iyong binalikan ang nasabing nakaraan

Kahit na ikaw ay nasa piling na ng iyong paroroonan.

Atin na sanang sisimulan ang pagsusulat ng nobelang ng ating pagmamahalan,

Ngunit tayo’y tulad ng mga storya, ay humantong sa katapusan.

 

Kaya mahal, isinulat, isinusulat at isusulat parin kita.

Dahil Ako yung tipikal na manunulat na kung wala ka ay hindi makapagsusulat.

 

Dahil ikaw ang bersyon ko ng perpektong tugma,

Ng isang tiyak na talata,

Ng kumpletong parirala,

Pinakatamang salita,

Ng nobelang pinakamahaba,

Ng nagaalab na balagtasan,

Ng pinakamisteryosong talaarawan,

Ng lirikong ulit ulitin man ay hindi pagsasawaan,

Ng isang kasabihan na wala mang basehan ay aking paniniwalaan,

Ng isang bugtong na anong kakomplikado ay akin paring huhulaan,

Ng isang talumpati na sa sobrang ganda, payak

Yung tipong pag narinig nila silay papalakpak,

Talumpati na hindi basta bastang isasaad, bagkus aking ipagsisigawan

Ang nararamadaman, at hindi mababatid ng iilan lamang.

 

 

Kung kaya’t, kung makita mo man,

Mabasa o mapakinggan ang mga gawa ko

Sana mapangiti ka, sa sarili mo’y bumilib ka..

 

Hindi man ikaw ang gumawa ng mga ito

Ngunit dahil sayo, naging manunulat ako.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s