Minsan Tama ang Toma

 

Binagsak ko ang baso,

Pinahiran ang mantsa ng bula sa gilid ng bibig ko

Sinamahan pa ng bahagyang pagkunot ng noo,

At pagkatapos ay panandaliang mananahimik ;

Tatanaw sa kawalan o di kaya’y sa may puwitan

Ng basong kanina ko pa hawak,

Na para bang walang kapagurang

Malunod sa marami pang bote ng mga alak.

Bahagyang mapapangiti,

Sa mga sandaling maaalala kita,

Ngunit sa kaunting buntong hininga

Ay heto nanaman tayo sa iyak-tawa,

At pagkatapos ay uulit muli sa umpisa.

 


 


Aabutin hanggang sa mag-umaga

At kalangitan naman ang magiging kasangga

Panandaliang magigising sa taglay nitong ganda

Aking maalala  na ang mga ganitong tema ang mahilig mong ipinta.

Anong silbi ng bating “magandang  umaga” 
kung saking umaga ay ikaw lang ang maganda?

 


 


Papasok ang barkada sa eksena

At eto nanaman sila

Pinipigilan akong tumoma pa ng isa,

"Pangako, isa na lang talaga"

Paulit ulit at nakaririndi nagsasabing lasing ka na,

At sasangaan ng linyang “hindi pa”

Na medyo makulit,

Nagpupumilit,

Itatayo nyo kong pilit

Ngunit kalauna’y matutumba

At kapag napagod na,

Sa lapag ay sasalampak

Tititigan nyo ko ng may anino ng di mawaring inis, awa

Na reresulta sa mata nilang maluha luha

Na para bang sila ay syang nasaktan rin,

Balot ng mga galimgim

Kaya’t pahapyaw na magpapatawa,

Babawiin ang momentong mauuwi sa drama.

Na para bang pelikula na ilang saglit

Ay biglaang magpapalit ng batuhan ng linya,

Magbabago ng timplada,

Tatarok ang presyon,

Ang tema’y magiging aksyon.

Gagayahin ang mala-Robin Padillang galawan,

Kakasa ng baril na kunwarian.

Sa hangin ay susuntok,

Panandaliang akong magaamok

At pagkatapos ay dadalawin ng antok

Sa hele ng mga tuyong luha, ako ay makakatulog.

 


 


Inaraw araw ang ganitong kagawian.

Madalas napagsasabihan,

Sa pagdaa’y bulung’bulungan.

Na kesyong lasenggero,

Saksakan ng tomadero,

Naaakusahang tumitira pa ng bato.

Sa mga ito’y naging kabalan.

Dahil kung ang pakahulugan nila sa mga alcohol 
ay ang tanging eskapo sa lahat sakit at galit ,

Ang pagibig bilang likidong gabi’gabi sa sarili ay idinidilig,

At ikaw bilang opium na laging hinihithit.

Malugod kong sasabihing ito’y pawang katotohanan.

 


 


Ngunit ngayon ay hindi na sa balde 
ng alak ako nagbababad,

Imbes na sa bahay-inuman ay sa mga parke 
na ako napapadpad,

Ang mga kopa ay napalitan na ng pluma,

Ang dating mga tungga ay napapalitan na ng tula,

Hindi na sa sake o margarita lumalangoy ang dila 
bagkus sa mga salita, na hinalili ko sa iyong pagkawala.

Laganap ang sabisabing

“Biruin mo na ang lasing, wag lang ang bagong gising”

At mahal kung sakaling magbalik ka,

“Biruin mo na lang ang lasing, wag na ang bagong gising.”

Biniro mo na sana ako noong ako pa ay lasing, 
ngunit wag na ako na ngayon ay bagong gising;

Gising sa panibagong yugto na limot na ang dating tayo,

Gising sa katotohanang ang noon ay mananatiling noon,

Na may limitasyon ang mga pagkakataon,

Gising na hindi ikaw at tanging ikaw ang dahilan 
ng patuloy na pagirog ng mundo,

Gising na batid na hindi alak, o panahon 

Ang makahihilom sa mga sugat ng kahapon 

Ngunit ang nadulot nitong pinsala 

Mula sa mga luhang minsan ay nagbaha, rumagasa, 

Nakapagdulot ng panibagong simula.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s