Pagibig na Tanim ni Lola

Sabi nila ay hindi ka kailan man makalilimbag ng isang perpektong storya ng pagibig.

Pero ako,  hindi ako naniniwala.

Pinalaki ako ni lola

Na buhay ang diwa

Ng isang mala’balagtas na  tema.

Yung tipong kahit sino ang lalapat na mga mata

Sa papel na hinulma ng makata

Ay anumang uri ng tabas ng kanilang paniniwala

Ay hindi maiiwasan sa pagibig mahiwaga.

 

 

Sinisimulan ko ang araw sa mga kwento ni tiyo at tiya,

Kung papaano sila nagkabanggaan sa daungan

Na malapit sa bayan,

Detalyado portodo kung papaano pinulot ni tito

Ang bulto ng mga polyeto

Na sumabog sa harapan ng babaeng di inakalang mamahalin nya ng todo,

Kung gaano kadalandan na dilaw

Na patuloy na umaagaw

Ang kulay ng pula na may konting pagpusyaw

Ang pwesto ni haring araw

Para sa pagdating ng dapithapon,

Tama dapithapon!

Dapit hapon na!

Tiyak ay papagalitan ako ni ama

Kung hindi pa’ko makabalik mula sa inutos nyang pataya

Kayat kaagad  kinuha ni tito  ang pangalan

At numero ng telepono ni tiya.

At dito sinimulan ang mala Maria Clara at Crisostomo ibara,

Ngunit tapyas ang mga konplik ng storya.

Puro lang saya.

Dahil ang lahat ay naayon sa kanila.

 

Agad na akong paaalisin ni lola para pumasok sa eskwela,

At magmamadali akong umuwi ng maaga

Para makinig naman sa nalikhang obra maestro

Nina mama’t papa.

Teka, naiwan ko sa eskwela!

Sa kamamadali ko ay naiwan ko sa aklatan,

Sa aklatan

Ng aming paaralan!

Hindi aklat pero storya

Mga nakalimbag na letra

Sa hangin kung saan una daw naglapat ang kanilang tingin

Sa bawat isa nang subukang abutin

Ni papa ang aklat ni mama na pinipilit nyang kunin.

Dito ay sabay na naghahalihin ng mga argumento,

leksyon at mga portfolio ang mga magulang ko,

Ang sabi panga’y nahulog daw si mama

Sa likas na pagkamaginoo ng tatay kong naging kaisa isa nyang nobyo.

At iyon ang naging inspirasyon

Sa aking konserbasyon

Ng posisyon bilang pinaka unang magiging kabiyak  na sasagutin

Ay ang sya ko ring habambuhay na mamahalin.

 

 

Ayon kay lola ay ganon daw talaga pag sinwerte ka,

Mahanap nang walang anumalya,

O pader na nakabalandra

Ang pang habang buhay mong kapareha.

 

 

Inabot kami ng pagliligpit ng hapunan

Na kami parin ay nagkwekwentuhan

Ng mga perpektong rebulto obra maestro ni kupido.

Makakatulog akong tangay ang panatag na pakiramdam

Na para bang gabi gabi na lang may kiligang

Nagaganap kung pano pinagtagpo

Ng paboritong instrumentong piano

Sina lola’t lolo.

Tumutugtog daw si lola

At biglang nasundan ni lolo ang nota

Na para bang may sarili silang kopya ng piyesa

Mula sa pintig ng pusong kanilang biglaang nadama

Ng sumabay sila sa awitin,

Sumaliw at umindayog kasabay ang mga bituin.

Kung gano kasaya,

Ang harmonikang napagkaloob hanggang sila ay tumanda.

 

 

 

Nilunod at pinamihasa ako ni lola

Sa parte ng pagbig na purong saya,

ligaya,

habang buhay na pantasya.

Napansin ko mula sa mga kwentong kinalkhan ko na wala namang Popoy at Basha.

 

Walang sakit ang nadudulot ng nasabing gamot,

Gamot daw sa lahat ng salot

Sa mundong pupunuin ka lang ng takot.

 

Walang pagiwan

O pagbitiw sa mga kamay na minsan mong hahawakan

Kase daw sa oras na isintas mo ang mga ito

Sa mga daliring halos kadugtong na ng iyo

Ay awtomatiko nang hindi papaling ang ulo.

Walang masisilayan kundi ang natatanging mukha ng tinitibok ng puso.

 

 

Pero aniya,

Ay mayroon pa din daw luha,

Pero hindi luha ng kalungkutan,

Kundi yung tipo ng luhang makikita mo sa kasalan,

Onung unang beses nyang malaman

Na may laman ang sinapupunan,

Yung luha ng katuwaan,

Na may alat na taglay ay pagmamahal.

 

 

Hanggang sa humantong ako sa edad na ang magmahal ay wasto.

Ang nadatnan ko lang ay pagka dismayado.

Saglit lang pala ang saya,

Puro lang pala pantasya.

Tama pala sina Popoy at Basha

Na may sakit sa ngalan ng pagibig,

Na mayrong pagbitiw at pagiwan

Para magbigay daan sa nakalaan.

Babaha ng luha para tuluyang lunurin ang takot.

Tama! Takot.

Sinabi pala ni lola yun para di daw ako matakot,

Na kung malaman ko man ang hilakbot

Na parte ng pagbig ay wag ka daw mabaon sa limot,

Magmahal kahit na nasa bingit ng kakapusan ng laot.

 

 

Tama pala si Lola,

Tama pala sila

Na hindi ka kailan man makalilimbag ng isang perpektong storya ng pagibig.

 

Wala naman pala kasing perpekto.

Ang mayron lang ay ang pagpikit ng mga mata mo

Sa kabila ng lahat ng nakikitang negatibo.

 

Tama si Lola,

Tama ako,

Na kailangan mong magkwento bilang panuto

At kailangan ng  karanasan para matuto.

 

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s