KAMUSTAHAN

Muling nagkita ang barkada

Matapos ang ilan taong distansya

Samu’t saring kwento pinagsaluhan ng bawat isa,

Hindi piyesta pero marami silang ibinabandera,

Walang rebulto o patron ang nasagitna ng entresuwela

Ngunit ang daming ibinibida.

Walang palaro datapwat kaliwa’t kanan silang nagpapakitang gilas,

Mababaling ang tingin sa akin

Na pawang ipinapasakin

Ang desisyon kung sino ang mas magaling

Ngunit magkukubli ako sa mga katagang pareparehas lang kayong patas.

 

Pagmamasdan silang tatawa ng malakas

Na parang wala nang bukas

At sandaling ubuhin

Yung barkada naming inaasar na uhugin

Ay sa halakhaka’y madadamay na rin.

Sa gitna ng masayang paghampas ng along naghahabilin

Ay biglang aanurin ang tanong na hindi ko aakalain.

Na pawang hinugot nya sa kawalan,

At ang lahat ay ituturin akong punlaan

Ng kwentong nais nilang pakinggan.

“Nga pala, kamusta na pala kayo?”

 

Biglang may anghel na dadaan,

Ang lahat ay mapipirme sa kinauupuan,

Maririnig mo ang huni ng kuwago,

Ang tinginan ng mga kaibigan mong alam ang buong kwento.

 

Kame?

Wala nang kame.

Tapos na,

Kalas na ang gapos na matagal sa aking nakasukbit,

Matagal nang pigtas

Ang tanikalang pirmihang sanay na sa aking pagpupumiglas,

Ang mga paso ng init na dati pang humahagupit

Na kubli sa mga ngiti kong pilit,

Upos ang dati naming apoy

Na akala ko’y habambuhay magbabaga, magaalab na mauuwi rin pala sa panaghoy,

Ako, sa ngayo’y kwitis

Na sasabog na maglalatak ng inis,

Lintis,

Hinagpis,

Hapis,

Sakit,

Galit,

Na patuloy na nakapiit

Sa pusong matagal mo nang kinakabig.

 

 

Mapapangiti ako,

Iiling nang kaunti,

Ipipihit ang ulong panandalliang sa yuko ibinuro

At sasabihing “Ayos lang ako, Ayos lang tayo.

Wala namang masamang tinapay ang naiwan sa ating paraiso,

Naisara nang maayos ang pinto ng pahina sa ating libro. 

Sa ngayon, Magkaibigan tayo.

Magkaibigan na lang tayo.

Nagsimula at nagtapos tayong ganito.

Mas madaling ibinbin sa katagang Ayos tayo

Kesa ikwento ng detalyado

Kung gaano ako umaasa sa muling pagbabalik mo.

Na ilang beses ko man tanggihin,

Madalas ko man sanggain,

Paulit ulit ko man sabihing ito ay wala sa akin

Ay mananatiling ikaw ang mantsang matinding hindi ko kayang burahin.

 

 

At oo, aaminin ko.

Na hindi pa masasarado ang sugat at pilat na nilisan mo.

Na wala paring bumubuo sa winasak mong pagkatao, 

Na ako ay nanatiling iyo,

At ang mga bisig mo ang tahanan ng panatag at kapayapaang hinahanap hanap ko. 

 

Na sa tuwing maririnig ko ang pangalan mo

O anumang katunog ng palayaw ko sayo ay napapalingon ako,

Nababalik tanaw ang iyong mga pangako

At saka ako maguguho,

Ngalan mo parin ang inaabangan kong bumulabog sa matagal nang nanahimik kong telepono,

Malutong na ang papel na paulit ulit nang nababasa ng luha at laway mula sa paghalik ko sa mga natago kong litrato,

Gasgas at lukot ang mga liham mo sa ilang beses kong pagbasa, pag gusot, pagtapon, pagpulot.

Pagbasa,

Pag gusot,

Pagtapon,

Pagpulot.

Wagwag na yung ibinigay mong mga oso mula sa bugbog sa natuong suklam ko,

Na ako ay isang paslit gabigabi sa kumot nakukurumpot sa takot na  masilayan ang iyong mga multo.

 

 

Hindi ko na natatanaw ang iyong anino.

Wala na akong naririnig na balita ukol sayo.

Binibisita ko parin ang mga lugar na ating naging museo.

Namumugad ang iyong mga alaala sa tinutulugan kong kwarto.

Magiging ayos rin ako,

Magiging ayos rin tayo.

Wala masamang tinapay ang maiiwan sa ating paraiso,

Isasara ko ng maayos ang pintuan ng usapang ikaw ang paksa.

At muli akong babangon mula sa naiwan mong pinsala.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s