DILIM ANG NANINIMDIM

Minahal ko ang dilim nang dahil sayo.

Isa..

Dalawa..

Tatlo..

Nagdilim.

Dilim ang natamo.

“Brownout ba?” ang sabi mo,

“Obvious ba?” patawang sagot ko,

Agad akong tumayo at sinilay ang nakatumpok na tao.

Sumabog nanaman daw ang poste sa may kanto,

Kaya’t agad akong nagdumali hanapin ang posporo

Ngunit sinuggab mo ng biglaan ang bakante kong braso,

Hinawakan ang kamay ko

At sa takot tayo nagsalo.

 

Namihasa akong mahalin ang mga pagkakataong

Panadalian namamatay ang sibilisyasyon,

Pansamantalang tayo ay natutuon

Sa mga bagay na di akalaing sa bugnot ay maraming solusyon.

 

Patay ang ilaw,

Namamayani ang kulay dilaw,

Ang buong bahay ay mapupuno ng hiyaw

Sa oras na biruin kang sa likod mo’y may nakalitaw,

At kapag ikaw ay napuno ng takot

Ay sa tabi ko ay agad kang susulpot.

 

Sa dilim ay minsan nating nalilimot

Ang mga pagiimbot

Sa mga  bagay na maririkit ,

Sa magagarang gamit.

Ang mapaghangad na mga mata ay sandaling pumipikit

Para magbigay daan sa kaligayahang hindi natin kailangang magpilit.

 

 

 

Kandila, ang pagitan at saksi sa ating dalawa,

Sa bawat mapanuyo mong linya,

Sa biglaan mong patawa,

O sa mga aninong gamit ang mga kamay mong minumuwestra.

Sa init ng hangin ay ikukumpol mo ang buhok  bilang panangga,

Bubuksan ko ang bintana

At tatanaw sa atin ang bituin

Parang nakikiisa din

Sa mga kwentong palitan nating dinidinggin.

Ang ngalay ng balikat sa kakapaypay ay aking babalewalain

Dahil mas gusto kong sa titig ka sisirin

Kesa makita kang pawisin.

 

 

Lumao’y nagiging pares ka ng kandila,

Nalulusaw sa mariing pagyapos ng aking mga mata.

Kukunin mo ang gitara,

Naghahabiling gusto mo ng harana,

Boses ko’y pagpasensyahan mo sana,

Ako ay sasaliw, maya maya’t madadala,

Ng nangheheleng pintig ng musika,

Ay hindi mapapansing nakatulog ka na.

 

Tititigan kita,

Mapapangiti at ilalapat nang maigi ang ulo mo mula sa balikat tungo sa unan mong dala.

Bubugso ang saya

Pipikit, at hihiling na sana

Bukas, paggising ay nariyan ka pa.

Nanatili.

Sa kadilimang hinarap nating dalawa.

 

 

Mamahalin kita sa dilim,

Pamimihasain,

At panay yayakagin ang dilim

Hanggang sa magising

Sa bukas na handa kitang mahalin ng puno at walang pangambang iintindihin

Na kung dumating man ang pagkaupos ng alab na minsan nating pinaningas ay hindi magbaga

Bagkus ay mawala,

Mamatay, maglaho ng parang bula

Ay hindi na ko mabigla.

Na kung sakali mang hagilapin,

Yugyugin,

Bugbugin.

Gisingin ako ng kadiliman mong tinataglay at tataglayin

Ay buong loob kong sasalubungin,

Lulusawin sa labis ko sa yong pagtingin.

 

Dahil minsan may nakapagsabi sakin

Na ang taong takot sa dilim

Ay hindi matututong magmahal din.

Walang takot na haharapin,

Walang pait na lalasapin,

Walang nakaraang patuloy syang mumultuhin,

Walang hirap na kailangang tiisin.

 

 

Ang pagibig ay kandilang hinulma

Na may pasong kasama,

Nauupos ang mitsa

Ngunit nananatiling buhay

Dahil mas pinipili nitong mabuhay,

Magtagal,

Sanayin ang sariling walang tigil na

Makipagdigma sa walang hanggang pintas,

Kakulangan,

Patlang,

Gaspang.

Pintas,

Kakulangan,

Patlang,

Gaspang.

 

 

At kapag ang pagkit ay lumabnaw,

Pumusyaw ang namamayaning dilaw;

Kapanatagan,

Pagkapayapa ang sya sa akin hahataw,

Pagkat ang paligid ay salat na sa hiyaw,

Ang lahat ay okupado na ng ginaw.

 

Sa oras na pumatay ang lahat ng ilaw,

Bumabalik tanaw, Ikaw.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s