DOKUMENTADO

Sinundo nya ko sa trabaho,

Ang pagod kong mga mata ay biglang naglaho,

Patakbo nyang pinalibot ang kanyang mga braso

Sa ngawit na balikat ko,

Agad nyang hinawakan nang hindi alintana sa kapal ng mga kalyo

Ang kamay dahil sa luma na ang makinaryang gamit ko.

Tinanong nya ko kung mahirap daw bang madestino

Sa mundo ng dyornalismo.

Ang maging tagapagsulat,

Sa pang araw araw na ganap.

Maging tagapalaganap,

Ng imporasyong kailangan ng masidhing paghagilap.

Ang sabi ko, hindi kailanman magiging mahirap

Ang magsulat kung patuloy mong nililingon ang aroma ng mga maalulutong na papel,

Ng mga bagong tasang pinsel.

Sa katunayan, ay magagawa ko

Kung nanaisin mong samahan ako

Magpalabas ng pahayagang pamamagatan nating TAYO.

Maglalathala ako ng bulto bultong

Pahinang naglalarawan ng balita ng ating kasalukuyang estado,

Humabi tayo ng mga kwento

Na magiimpluwensya sa tao

Na ang nagmamahal ay hindi kailanman magiging talo,

Bagkus karapat dapat tayuan ng  monumento,

Dahil sa di mabilang nilang pagsuko,

Mala bayaning sakrispisyo,

Kalayaang pinatamo,

Digmaang napagwagian,

Nalampasan,

At patuloy na tatanuran.

O di kaya’y museo, upang doon mailagak

Ang marami pang bagay na bakas ng nakaraang

Nakimkim ng pusong daig pa ang milya milyang karuwagan

Ng kapatagan para magbigay daan

Sa nararamdamang hindi kyang ipagsigawan.

Kumuha tayo ng litrato,

Kahit walang tamang kalkuladong anggulo,

Kahit ang kamerang ipangkukuha natin ay malabo

Ay ngingiti ako

Na parang hindi tayo kalian man naging problemado.

Yung ngiti na parang hindi tayo nagapo

Ng bugso ng alimpuyo.

Para sa oras na nilalamon na ko ng pagsuko,

Ay maalala ko kung paano naging alamat ang ating kwento.

Naging mundo ko ang simpleng dilag na mahilig kumuha ng litrato,

Natutong lumakad ang pusong ngawit na sa pagkalumpo,

Panloloko,

Pagkabato,

Pagaasam sa isang magandang dulo.

Mga larawang magiging buhay na patotoo

Na nagmamahal ang isang wasak na gerero ,

Na nalalagay sa tono ang paminsang sintunado.

Ipaskil natin sa pahina ng lathalain

Ang mga naisulat mong tula para sakin,

Mga sikretong natuklasan,

Kwento ng ating karanasan,

Lugar na ating napuntahan,

Kung gano kasukal ang nilakbay nating kabundukan.

At kapag tayo ay sa editoriyal nadako,

Ay ihiyaw ang ating mga sentimyento,

Ipakilala sa nagbabasa nito

Ang kakulangang nagawa ko,

Sa mga away natin ipaliwanag mo ang  iyong punto,

Salubsubin ang mga kanto ng panig mo,

Kung bakit mo ginawa to,

O bakit namayani ang mga salitang ito.

Saliwan natin ng mga kartooning na iginuhit ko,

Na kahit inaaway mo na ko

Ay mas pinili kong iguhit ka bilang anghel na anyo

At ako ang nagpakatinong demonyo dahil sa iyong mahikang pagpapaamo.

Ngunit sa huli hahantong sa konklusyon

Ng pagpapatawad at pagpili sa pagmamahal,

Ang pagtakip sa maputak mong bibig gamit ang labi ko,

Ang palambutin ang senaryo sa nakamamatay na ngiti ko.

Putulin natin sa halinhinan ng dispensa,

Pag amin sa kamalian ng bawat isa.

Gumawa tayo ng artikulo

At ilimbag sa pahina ng isports, ipwesto

Sa bandang dulo para sa huli na ng mambabasang mapagtanto,

Na tayo ay karaniwang tao

Na dumaan sa kabataan, nasanay maglaro.

Ibulalas nating nagsimula at nagtapos tayong naglalaro.

Mula sa tagu-taguan ng nararamdaman,

Hindi basketbol pero may bolahan,

Bente uno’t habulan,

Pitik bulag sa mga kabalbalan,

Tayaan,

Paunahang mag hulihan

Ng kiridang hindi natin napanghawakan.

Magparamihan tayo ng puntos ng may pinakamaraming nagawang kasalanan,

At kapag tayo’y napagod na,

Oras na upang magsadula,

Umarte,

Magkunware,

Sa isa’t isa’y wala tayong pake.

At kapag umalingawngaw na ang batingaw

Na hudyat ng katapusan ng tayo,

Ay bitawan natin ang isa’t isa.

Marahan nating hablutin ang isinintas nating mga daliri,

Na itinali sa bilang na sandali,

Habang sabay tayong pumipighati.

Ito na ang momento

Na iukit ang tayo sa parte ng Obituaryo.

Ibaon sa limot, at wag kalilimutang paminsan kang nagsulat

Ng isang pahayagang nagsasaad

Ng isa sa libo libong kaganapan

Sa buhay mong mas pinili mong maglapat ng bakas,

Pananda na minsan kang naglakas

Loob tuminta sa pluma na gamit lamang ay pagmamahal.

Na tayo ay naging karapat dapat maging pahayagan

Tayo, ang paborito kong parte ng kasaysayan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s