Sana, Sya na ang Huli.

Sana hindi ko nilustay

Ang natitira kong buhay,

Na purong panay masid

Sa mga taong pumapaligid

Sa iba’t iba nating nilalakbay.

Hanggang sumampa ang ugat ng mga mata ko sakanya.

Sa dilag na mahilig magsuot ng itim at pula,

Na minsan tine’ternuhan nya pa ng bandana.

Nilalamas ko sya ng titig,

Hinahampas ng mga tanong na hindi kayang palabasin sa bibig,

Nakatiwangwang ang hugis pabaliktad na tatsulok na palawit

Sa kanyang dibdib, ay naririnig ko ang pintig.

Datapwat taliwas sa pagibig, ang aking naririnig,

Panay hiyaw,

Sigaw,

Hapis,

Galit,

Lungkot,

Sikalot.  

Hindi sya baliw,

Hindi sya yung tipong babaeng nagbibigay aliw,

Walang oras sa kopa ng alak nyang hawak sya bumibitiw,

Dahil sya ang sisidlan na naagiw,

Ang maestrang kumukupkop sa tuka ng bawat mga sisiw,

Ang batingaw na patuloy na tikom sa pagsigaw,

Sya ang nalisan mong guryon

Na patuloy na nilalamon ng pihit na pagkakataon.

Sya ang natitirang mahiwagang butil at patak

Mula sa pinagkait na galak.

Na patuloy na dinidiligan ng kaliwa’t kanang sapak,

Tadyak,

Ang makapal na tabla ay sanay nang lumagapak

Na kahit ano man ang sigaw,

Ilang beses man syang sikatan ng araw,

Ay hindi parin lumalabnaw

Ang dugong manas na sa pagagos,

Ang pasang patuloy syang ginagapos,

Ng katawang hindi na kilala ang kapanatagan,

Ng pusong nagaasam ng kapayapaang mabilisan.

Sinubukan ko syang lapitan,

Hingahin ang iisang hanging

Dumadampi sa kulay lila nyang balat

Na puno ng pilat,

At di matukoy kung alin doon ang bago nyang sugat,

Ngunit ang tanging nadatnan ay agarang pagtaboy,

Ang kanyang paglunas sa papasiklab pa lamang na apoy,

Itikom ko ang bibig,

Ang makita sya ay akin daw limutin,

Dahil walang makagagaling

Sa daliring ngawit na sa paglambitin

Sa bingit ng masukal na dilim.

Hanggang kelan tayo patatahimikin ng sampal?

Ilang bakas ng mga kamay pa ang dapat pumantal?

Ilang kandila pa ang dapat itirik bago natin basagin ang pananahimik?

Ilang gatilyo pa ang dapat pumitik?

Hanggang saan tayo eeskapo mula sa mga lumilipad na kutsilyo?

Hanggang kalian tayo magpapalambing sa berdugo?

Hanggang kalian tayo lilimliman ng mga banta?

Ilang gago pa ang malayang namimihasa?

Ang buhay ay mas nararapat lustayin

Maging boses na may kakayahang dinggin.

Malayo na nga siguro ang kanyang nalakbay,

Hindi nya na kailangang magsaklay,

Hindi na sya lumalakad ng papilay pilay.

Bagkus nakita ko syang kumakaway,

Ang dilag na nakasuot na ng puti

Walang bahid ng paborito nyang itim

O pula na pawang kailanma’y hindi sakanya dumampi,

Initsahan nya ko ng ngiti.

Sana sya na ang huli.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s