NADALÀ, NADALÁ

Masyado tayong nadala.

Sa hangin na umiihip,

Sa di namamalayang oras na pumipihit,

Sa ganda ng tanawin,

Ng bundok na matarik man ay pinilit nating abutin,

Ng kulay ng luntiang nilulunod ang ating paningin.

 

Masyado tayong nadala.

Sa himig ng musika,

Sa titig mo habang tumutugtog ka ng gitara,  

Sa nanghahalinang dagundong ng paborito nating banda,  

Sa sarap ng ritmong tinatangay ang wisyo ng bawat isa.

 

Masyado tayong nadala, 

Sa mga linya sa nobelang sabay nating binasa,

Sa mga karakter ng storyang inihambing natin sa ating dalawa,

Sa pag-aakalang parehas ang manunulat na humabi ng mga letra,

O sumakto sa ating paboritong eksena sa pelikula.

 

Masyado tayong nadala.

Sa liwanag ng buwan,

Sa tamang kombinasyon ng kulay ng abo, asul; na  ulap ang nagpapalamlam

Sa mga aninong payak ang pagkakahulma,

Patuloy na humahalik sa mga pader,

Na pawang saksi sa marami pang pares ng aninong sumumpa,

At nag-akala sa walang hanggang bukas na darating pa.

 

Masyado tayong nadala.

Sa paguumpisa at pagtapos ng araw na puno ng batian,

Kamustahan,

At mahaba-haba pang usapan.

Sa hapon ng panakaw na tawagan,

 Sa boses nyang hindi naman awitin pero walang sawa mong gustong pakinggan,

Sa gabi, na hindi alintana ang antok na dumadalaw,

Gabi, na puno ng pigil na hiyaw

Dahilan sa kilig ay patuloy kang kinakanaw.

Sa paksa ng mensaheng palalim nang palalim,

Sa mas seryosong salitang pareha nyong tinatanim sa kailaliman ng dilim–

Ay makakatulog at gigising muli sa panibagong umagang dala

Na pupunuin mo ng ligaya

 

At pagkatapos ay bigla na lang mawawala.

 

Hahanap hanapin mo na.

Hindi mo mahanap sa iba,

Ilang beses mo mang subukan sa kanya,

Sa kanya o sa marami pang iba

Ngunit uuwi ka pa rin sa bisig na paminsang naging tahanan mo na.

Ang mga kamay; na nakikita mo noon bilang sanga,

Anumang kapit ang gawin mo ay mahuhulog at mahuhulog ka,

Ngunit  itinurin mo paring barandilya.

Pinili mo paring kumapit sa pansamantala.

Masyado kang nabulag sa saya.

Masyado kang nabulag ng saya.

“Pasensya, gusto ko lang namang sumaya.

Panandalia’y gusto kong maramdamang ako’y mahalaga.”

Mahal, Hindi na ako nadala.

Ngunit salamat, Hinayaan mo tayong madala.

Sa paraiso ako ay iyong nadala,

Ng pansamantala.

Ngayon, Ipipikit ko ang aking mga mata

At sa pagdilat ng mga ito,

Pangako.

Hindi na ko muling magpapadala.

Advertisements

2 thoughts on “NADALÀ, NADALÁ

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s