“PAGBAGAGO”

Isang araw, napadpad ako sa isang kagubatan.

Naumay sa kulay ng luntian,

Sa hanging maalinsangan,

Sa mamasa- masang lupang nakatakdang taniman.

 

Napaisip ako,

Pagkahaba haba na ng nilalakad ko

Pero nananatiling wala paring nagbabago.

Paulit ulit lang na matataas na damo,  

Sandamakmak na nakabalandrang baging ng mga puno,

Ang tunog na napawang kapayapaan ang hinahatid nito

Ngunit nananatiling naririndi sa katahimikan ang tenga ko.

Kaya’t sumigaw ako.

Umalingawngaw ang boses ng isang binatilyo.

Sa langit, ay sumulpot ang isang grupo ng mga ibon.

Puno sila ng tensyon.

Nakadulot ako ng pagbabago.

 

Bumalik ako sa paglilimayon,

Nahuli ng paningin ko

Ang grupo ng mga unggoy na naghahalinhinang tumatalon

Sa mga sanga, habang nilalasap nila ang mga napitas nilang saging.

Naisip ko, maari pa itong baguhin.

Na imbes na silang sumabit,

Lumambitin,

Ay bakit hindi nalang nila sungkitin

At lakarin ang mga distansya ng mga puno

Tungo sa mga pwede nilang kainin.

Tutal ay mas maayos ‘yon sa paningin.

Tinuruan ko silang maglakad,

Kumain ng mga karne o gulay na kahit saan ay namumukadkad

Para matuto silang manirahan san man sila makapaglakad.

At nang matapos kami ay nilisan nila ang kagubatan.

Nakaramdam ako ng kaluwagan,

Nakadulot ako ng pagbabago.

 

Panandalian akong napagod, umupo,

Sumilong sa gilid ng isang puno.

Tinitigan ko ang punong nasa likod ko,

At ang mga karatig nito.

Mas maganda siguro kung ihuhulma ko itong bahay, museo,

O matataas na establisimyento.

Kaya’t isa isa kong pinutol, tinagpas,

Tinumba, hinulma hanggang sa mawala ang bakas

Ng nakasasalubsob nitong likas.

Tinanaw kong muli ang kagubatan,

Mas nakakahalina syang tirhan.

Panigurado ay matutuwa ang iilan,

Dahil hindi na basta sila mapapatakan ng ulan,

O ng sinag ng araw ay hindi sila gaanong matitirikan.

Nakaramdam ako ng kaluwagan,

Nakadulot ako ng pagbabago.

 

Maya maya, naliligo na ako

Sa pawis na umagos hanggang sa lupang tinatapakan ko.

Lumulubog ako,

Lumalambot, naglalatak ng putik ang lupang kinatatayuan ko.

Napaisip nanamang muli ako.

Panibagong pagbabago.

Pinalitan ko ang lupa

Na dating tahanan ng mga punla

Ng mga bato, semento,

Aspalto at marami pang rekados para magmukha pa itong bago. 

 

Hinawi ko ang kamangmangan ng lugar na ito

Mula sa tinatawag nating moderno.

Pinawi ko ang uhaw sa mas malalakas na hampas ng alon

Dulot ng  modernisasyon.

Tinuruan kong maging mabagsik ang dating maamo,

Maging makahiya ang mga naturingang basag- ulo.

 

Binaliktad ko ang mundo,

Sa pinaka di-nakapapaniwalang anggulo.

Natutong tumungo ang mga hayop sa lungsod,

Hanggang sa naglipana, nagkalat, makikita mo

Kahit san mo ibaling ang ulo. 

Sa tahanan, Sa tindahan,

Kasintahan, Kaibigan,

Sa kanto, Kongreso

O maaring nagiging kaisa ka na nito.

 

Hindi ko na mapagtanto,

Ang naka-ambang na yugto

Ng nasabing pagbabago.

 

Naliligaw ako

Sa pasikot sikot na daang dulot ng nagawa kong pagbabago.

 

Nangungulila ako

Sa payak na kagubatang nakabugnutan ko.

 

Pakiusap, Ibalik nyo ako,

Sa lupang kinagisnan ko.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s