SUSPENSYON

Sisikat ang araw

Iimbitahan ng init ang ginaw

Hihimukin ng hangin

ang tubig na imbak sa lilim.

Sabay silang aakyat sa ulap,

Magpapanggap

Na kailanman ay hindi sila nagkasalungat.

Pupunan nito ang lugar na nakatakda siyang pumwesto,

Hahanapin ang posisyong nararapat dumito.

Ngunit darating sya sa punto,

na magaasam ng husto.

Higit sa kung anong dapat nyang matamo.

Magiging ganid,

Ang utak ay kikitid!

Biglang mapapatid ang mahigpit na pagkapit

Magbabagsakan ang tubig,

Lalagpak at babalik sa dati nitong kinalalagyan.

Madadampian ng ulan ang lupa, tulad ng pisngi ng luha.

Saksi sila sa umaambang pagdating mo-

At Mula noon, ay sininta ko ang ulan,

ang bagyo,

Ngunit patuloy ko paring sinusuklam

ang bahang nadudulot nito,

ang mga bahay nitong iginuguho,

ang sapatos na nilulunod,

ang pinupunong mga alululod

Ay walang binatbat sa nadadama kong pagasa na makatagpo kang muli.

Pumabor sa akin ang pagpihit ng tadhana.

Iniintay kita.

Sa oras na maamoy ko ang alimuom,

Nang masilayan ang abong kulay ng bumibigat nang kalangitan.

Iniintay kita.

Naghahabilin na ang ambon na sumilong na ako giliw,

Iniintay kita.

Naririnig ko na ang nakakatuliling patak nito sa aming yerong bubungan,

Iniintay kita.

Binuksan na ni nanay ang radyo para makinig,

Maaliw ako ng sandali ngunit pati dito’y pangalan mo parin

ang iniintay kong sambitin.

Iniintay kita.

Tinatanaw na ako ng mga andap sa bitana

Ngunit ayaw ko pa rin itong isara-

dahil Iniintay kita.

Bumaling ako sa telebisyon at nais kitang mahagip ng aking paningin,

Kasama ang ngalan ng eskwelahan,

O kahit ng aking bayan.

Iniintay kita.

Alam kong matagal pa bago ka muling makapiling,

Pinto pa ng alkalde ang aking katukin,

Ay maski sya ay mangingiming ikaw ay aking kamtin.  

Hindi ako mapapagod na ikaw ay antayin,

Si amihan man ay pipilitin,

Hihikayating sumalo sa pistang gaganapin

Sa iyong pagdating.

At sa oras na magdalawang isip kang bumisita,

Isa alang-alang mo kaming mga nabigo,

Biktima ng mga napakong pangako:

Mga basang sisiw sa lamig,

Mapungay na mga mata

mula sa puyat ng pumapatak na mesinilya,

Syang naghahabol ng pahinga,

Paang babad nanaman sa alipunga..

Dumating ka na,

Hindi ako mauupusan ng pagasa,

Iniintay at iintayin kita.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s