Doktora Marie Juana

Ako si Marie Juana. Pitong taong gulang, pangarap kong maging doktor balang araw kase gusto kong malaman yung dapat na inuming gamot ni tatay.

Lumaki ako sa pier, sa daungan ng mga ikinakargo’t deliber, tagapagbuhat si tatay ng mga maleta, bitbitin at marami pang iba. Sa tingin ko nga, sobrang lakas ni tatay kahit ano daw binubuhat nya. Walang hanggang ang lakas ni tatay, parang hindi sya nangangalay, kahit nga pagod na sya galing trabaho ay nakikipaglaro parin sya sa amin ni nanay. Lagi akong nananabik sa oras na bumukas na ang pinto at marinig ko na ang takatak ng takong ng sapatos ni tatay, tatakbo ako at hahagkan sa hapo nyang braso, hahalikan nya si nanay sa noo, bubwelta ako ng tukso, sa lamesa sabay sabay kaming uupo, saka sya magkwekwento kung gaano kabait yung nakasalamuha nyang amerikano, o kung minsa’y nadapa sa mga bagahe yung isa nyang katrabaho. Isussumbong ni nanay ang ginawa kong kalokohan, si tatay ang superhero akong kakampihan, at sabay sabay kami sa hapag magtatawanan. Balang araw, si tatay ay aking tutularan, sa patimpalak ng hirap ay makikipagbunuan, basta ba’t ganito kasayang pamilya ang aking uuwian.

Oo nga pala, Ako si Marie Juana. Pitong taong gulang, pangarap kong maging doktor balang araw kase gusto kong malaman yung dapat na inuming gamot ni tatay.

Dinala ako ni tatay sa trabaho nila noon, sa may opisina doon nya ko itinunton. Bilin ni tatay manatili lang ako’t hintayin ko syang bumalik doon, pero sinundan ko ng tingin kung san sya pintuang sumuong. Naburyong kaya’t pinasok ko rin yoon. Maayos naman, imbakan pero malinis at di gaanong pinupuntahan.

Nakita ko silang magkausap ni ninong eddie na bigtaym daw sabi ni tatay nung kamakailang nabanggit nya kay nanay, may inaabot sya kay tatay na nakasupot, balot na balot.

Umiiling si tatay pero pinilit ni ninong at sa palad nya madiing ikinurumpot.

Baka regalo nya para sakin nais nyang ipaabot? O di kaya’y tsokolate o bagay na pwede kong masuot? Pero natigil akong mag-asam nung may narinig ako gamot, doktor pala si ninong? Bakit hindi sya nakaputi? Pwede palang magtsinelas sa klinika ang mga doktor?

Ang sarap sigurong magpakilalang Ako si Doktora Marie Juana. Pitong taong gulang, naging pangarap kong maging doktor balang araw kase gusto kong malaman yung dapat na inuming gamot ni tatay.

Oo nga ansarap nga! Tutuparin ko ito, siguro may pera pa namang inilaan na  kasing kapal nung iniabot ni tatay kay ninong para sa pagaaral ko. Ang mahal pala ng gamot ni tatay. Ambait talaga ni ninong, sya pa ang mismong bumili ng gamot ni tatay sa botika.

Pag laki ko, pag ako na si Doktora Marie Juana. Pag di na ko pitong taong gulang, ako na ang makakaalam ng dapat na inuming gamot ni tatay.

Teka, sandali.. hindi ko alam na may sakit si tatay.

Baka dahil sa palagi kong pagpapabuhat sakanya? O dikaya’y sumosobra na yung oras ng laro naming dalawa? Bumukas na iyong pinto, andyan na si tatay. Makikipaglaro ba ako sa kanya? Bago pa ko maka’yaya ay sinabi nyang pagod daw sya at ayaw nyang kumain. Masarap naman ang luto ni nanay na laing, isang buwan na si tatay na walang ganang kumain. Hindi kaya’t diet si tatay?

Gusto ko nang maging si Doktora Marie Juana. Yung hindi na pitong taong gulang, para balang araw alam ko na yung tabletas dapat na inuming gamot ni tatay para mabusog agad sya.

Kaarawan ko! Ano kayang regalo ni tatay? Nagsiesta ako ngunit lagabog ng ulo ni nanay sa pader ang gumising sa akin. Imbes na keyk ay mga bote ng alak nyang iinumin ang sa mesa ay sumalubong sa akin. Baka tinago lang ni tatay? Surpresa.

Lagi naman syang may itinatago sa aparador eh, napapalo ako tuwing lumalapit ako doon.

Pag ako na si Doktora Marie Juana, gusto ko may aparador din ako dun ko ilalagay yung mga gamot na dapat inumin ni tatay.

Nagbago na si tatay.

May mga oras na gusto ko syang makalaro pero siya ang naglalaro sa loob ng kwarto, minsan pag wala si nanay, nagdadala pa sya ng ilan sa mga kanyang katrabaho. Sila ninong, tito, kuya ambo at yung tinatawag nilang “Tsip”.

Pag ako na si Doktora Marie Juana. Hindi man ako pitong taong gulang, magdadala rin ako sa bahay ng mga kapwa ko doktor para makatulong rin sa mga dapat na inuming gamot ni tatay.

Binilhan ako ng mga bagong gamit ni tatay, damit, relo, laruan, pagkain at inabutan nya pa si nanay sa harap ko! Tinanong sya ni nanay kung saan galing iyon ngunit nagalit si tatay at agad umalis ng bahay.

 At mula noon, hindi na umuwi si tatay.

Nagaalala kami ni nanay.

Sa loob ng 3 buwan ay nakapunta kaming palengke, opisina, karinderya, divisoria, ospital, plaza at marami pang iba pero wala si tatay. Dalawang lugar na lamang ang hindi naming nadadaanan, Ang pulisya at purenarya.

Nakita namin ang pangalan nya sa himpilan ng mga kaparehas na suot nung tinatawag nila tatay na Tsip, natagpuan namin si tatay sa purenarya.

Nandoon lang pala sya. Nagiisa.

Maski sa listahan, nagiisa lang sya.

Wala si Ninong doktor eddie, O si tito, O si kuya ambo, O yung Tsip na kasama ni tatay maglaro.

Balang araw, pag ako na si Doktora Marie Juana..

Higit sa pitong taong gulang na ang makakasalamuha ko,

Hindi ako magrereseta ng balot na balot na gamot nang nakatsinelas,

Hindi na ako magiimbita ng mga kaibigan ko para makipaglaro.

Ngayon, naging pangarap kong maging doktor balang araw kase gusto kong pigilan yung iba na hindi dapat inumin yung gamot na ininom ni tatay.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s