LABING ISANG EMOSYONG ITINURO SA AKIN NG DRAMA

Isang araw natagpuan ko ang sariling nalilibang sa panonood ng telebisyon.

Nakadaupang palad ko ang madaming emosyon.

Natakot, nalungkot,

Naimbot, nakalimot,

Sumaya, kinilig,

Napintig, tumindig,

Nagselos, nagparaya,

Ang paborito ko sa lahat,

Labis na lumigaya.

 

Palaging sinasabi sa akin ni tatay

Na para masuri ang pagkakahimay himay ng sidhi ng drama

Sa anumang telenobela o pelikula

Ay titigan mo raw ito ng rekta sa mata.

Ang aktor na nagsisilbing mukha ng storya ay nararapat lamang maging iyong repleksyon.

At ang kanyang sinta bilang rason ng solusyon sa problema,

Na marahil sa una ay hindi pa hayag,

Na kaya daw karamihan ng palabas ay kinukunan muna

Ang kariktan ng tagpuan ay para bulagin ang manononood sa saya.

Dadalhin ka muna sa paraiso

At hahayaan kang iturin itong mundo.

 

Umiinit na ang kinauupuan ko

Ngunit ang pagbabadya ng pagkabagot ay hindi parin sa akin sumasapi,

Marahil ay dahil sa literal na hindi ako binibigyan ng pagkakataong tumayo ng pinanonood ko.

 

Napansin ko na sa tinagal tagal ng panonod ko,

Ay wala itong patalastas.

Ito ay hindi na nagsasayang ng oras.

Sana ganito rin ang bukas,

Hindi na tayo inililigaw

O ipinadadalos dalos sa kung kanino man,

At ang daan tungo sa kanlungan ng ating minamahal ay deretso lamang.

Walang liko, walang bako,

Walang paglingon, walang pagtutol,

Walang sagabal,

Walang hanggan.

Ngunit sinampal ako ng reyalidad..

 

Na ikaw, ang palabas pinanonood ko, tinuruan akong:

Matakot, sa iyong pagkawala

Malungkot, sayo ay mangulila

Maimbot, sa nakaraang pilit mo paring nililingon

Makalimot, sa sariling ikaw ang palaging tinutugon.

Sumaya, sa iyong presensya

Kiligin, sa balimbing mong pakikitungo

Pumintig, ang pangalan mo parin sa puso

Tumindig, sa dapat kong katayuan

Magselos, sa nakaraan at kasulukuyan

Magparaya, sa tunay mong kaligayahan

At ang paborito ko sa lahat,

Labis na lumigaya, sa piling mo; anumang papel ang gampanan.

 

Ikaw ang aktor at sya ang sinta.

Tadhana ang nagsisilbing director ng obra maestra,

At ako?

Ako ang patalastas.

Ang pampalipas oras.

Ang parating kinabubugnutan.

Ang bakanteng espasyong walang may gustong punan.

Ang saling pusa sa tanghalan.

Ang pansamantalang mukhang inihaharap habang hindi pa handa ang studyong pagdadausan–ng inyong paraiso.

 

At sa pagwawakas ng palabas,

Kahit na mahigpit pa rin ang pagkapit ko sa balangkas

Ng storya

Ay hindi hihinto ang produksyon sa pagliligpit ng kanilang mga gamit,

Ibang palabas naman

Ang dadausan ng kinatatayuan kong tagpuan.

 

Pagod na akong manood na lamang.

Sa susunod na panoonood ko, ay sana kwento ko naman.

 

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s