Sanaysay na Wala nang Saysay.

 

Sa iyo, Sa akin, Sa lahat.

Sabihin mo sa’kin kung pano ako makakasulat pa ng mga tula. Sabihin mo sa akin kung kalian ulit ako makakahulma ng karakter sa aking mga istorya. Sabihin mo kung ano nang magiging takbo ng aking mga sulatin. Kung ilan pang papel ang aking pupunitin, gugusutin at patuloy na sa basurahan ibibinbin.

Hindi ko alam kung bakit pa ko nagsusulat.

Kung bakit sumasanib pa sa akin ang mga letra.

Ang mga salita. Parirala.. ano pang karapatan nila?

Bakit pa sila nagpapakita at nag-aatas saking pagsamasamahin at ialay ko saiyo sinta.

 

Ayoko na.

Pwede bang sabihin kong ayoko na?  Pwede bang bitawan ko na lang basta ang pluma?Pwede bang tumigil na lang ako bigla? Walang pasabi, o wari ng pagbabadya.Pwede bang isang araw ay wag kang lumingon sa akin o kahit ngumiti man lang, dahil sila ang mga dahilan kung bakit ako patuloy na kumakapit. Ayokong mapiit, sa mga hulagway ng posibilidad na puno lamang ng pait.

 

Pasensya sa aking paghindi, dispensa sa biglaan kong pagdistansya, patawad kalilimutan na kita.

Sa  yugto ng pagbig ni tadhana’y tayo ang pinagkaitan. Ang ating kwento ay hindi bagay maging libro, nakatakda nang maging pahina lamang o isa sa mga papel kong may temang walang patutunguhan. Ang saya, ang kinabukasan mong dala, ang mga museong sabay nating binisita, ang mga panibagong lugar na sabay sinadlakan ng ating mga paa, kinamanghaan ng ating mga mata, paalam na.

 

Sa aking pagtapak sa yugto ng paglisan, 

Hahandugan kita ng alon, ng hampas nitong puno ng aking lihim na pagsulyap.

Bubulungan ko parin ang mga bituin na patuloy ka parin nilang tanurin, ihele para sakin.

Ang mga kulisap na sisilay sa iyong bintana, pinadala ko sila.

Ang araw, ay sisikapin kong kumbinsihing walang sawang sumikat upang magpaalala sa’yong may liwanag na natitira sa buhay na parati mong sinusuklam.

Ang ulan, ay hihimukin kong lalo pang tumalim ang bawat patak nito upang piliin mong sumilong.

Ang mga ibon ay bibilinan kong ang mga pakpak ay saiyo dumako, ang kanilang mga huni ang syang iturin mong pang araw araw na musika, pagpasensyahan mo sana kung minsa’y sintunado sila, dahil sa aking pagluha’t pangungulila; sila ay nakikiisa.

 

 

Hindi na ito siguro, mababasa pa. Mahahagip ng paningin mong tuon sa kanya.

 

 Payapa na lamang akong kakaway, di magtatagal ako rin ay masasanay.  

…..

Patay na ang kabayo, para saan pa ang damo?

Wala nang pagsusulatan kung puno na ang kwaderno.

Para saan pa ang paglaban kung parating na ang pagsuko.

Para saan pa ang pagmamahal, kung namaalam na ako?

Tahanan ka na ng ibang kamay,

kung kaya’t ang sanaysay na ito ay mananatiling walang saysay.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s