OKATOKAT

Naririnig ko ang yabag ng paang nakakadena,

ang pagpihit sa busol ng pintong may pwersa,

kaluskos sa kahoy naming sahig,

talbog ng bola doon sa may gilid,

hanging malamig,

samyo ng bulaklak at kandila,

pabangong gamit ni lola,

dumaan ang itim na pusa!

walang hapyaw na alulong ng aso,

nanlilisik na masid ng matang humahabilo.

 

Sabay tayong matakot.

Sa gitna ng lahat ng ito’y mapiit

pagpawisan man ng malagkit,

o manawa sa sigaw sa lalamunan mo guguhit.

 

Maihi sa salawal,

sa tulin ng takbo’y madaplisan

-ng dugo o kahit anong likidong tumulo mula sa bubungan.

 

Sabay tayong matakot sa mga maaring maganap,

sa mga persona’t damdaming maaring magpanggap.

Kung takot… sumigaw nang buong tinig,

hayaang litid ay mapatid.

Matakot ka sa lahat, huwag lang sa pagibig.

 

Kung masaktan ay matuto lalong magmahal.

Hayaaang tayo ay masilaw sa talim ng punyal.

Ang pawis at sigaw ang maghalinhinan.

Buhusan ang sarili ng balde ng poot.

Magpatinag sa nanlalamong sulog na papalaot.

 

Tumakbo lang tayo ng tumakbo.

Hingalin, matisod o kung saan man mabundol.

Tumahan ka sa kamay ko.

Ang dilim ay magsilbing taling putol..

Bitin.

Ngunit hindi natitinag magpahabol.

Itulad mo sa atin,

na kung tumakbo’y may kasiguraduhang may hahabol.

 

Umasang sa dulo tayo ang lulutas ng misteryo,

ng ikaw, ng ako,

at ng kung sino mang multo o maligno

o elementong bumabagabag sa loob mo.

 

Hayaan mong bulabugin ka ng mga kaluluwa,

panghitakutan sa mga mata nilang pula,

o di kaya’y mangilabot sa kanilang mga itsura.

Mabuhok na mga daliri,

kutis na talaga namang nakapandidiri,

luwa na mga laman,

minsa’y labas pa ang balunbalunan,

o puno ng saboy ng dugo ang damit,

ang parte ng katawa’y gula-gulanit,

suot nilang itim o puti na blusa,

ternuhan pa ng kayhabang buhok nila.

 

Mas piliin mong matakot sa kanila,

kaysa sa mga sumisira sa iyo sa tuwina.

Mas piliin mong matakot sa kanila,

at wag sa mga salita na patuloy sayong kumokontra.

Hayaan mong matisod ka sa mga sangang nakaharang sa masukal  na kagubatan

at hindi sa pagsubok ng buhay-igagapo ka ng dahan dahan.

 

Tumayo ka,

sumigaw kung natatakot,

wag mong lakipin ang kilabot,

at kapag punong puno ka na ng takot

 

– Tawagin mo ang ngalan ko.

Tutungo ako sa iyong kwarto,

hahalikan ka sa noo,

sasabihing “Ipikit ang mga mata mo,

walang mananakit sa’yo.

Andito lang si Tatay sa tabi mo.”

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s