Manikang Makina

Circa 1542

 

Ako ang ehemplo ng kagandahan, parating pinagpipiyestahan

At ginagalugad ng sangkalalakihan

Hindi na kailangan pa ng antipara,

Nang malasap ang hiwaga ng ganda.

 

Ako, ang ninuno ng Athena,

Representante nitong Las Islas Filipina

Sinabi na’t di kami huli sa teknolohiya

Sa pindot ng buton, pinagana ang manika.

 

Galit nga marahil sa akin si Sentenciada

Madalang nya akong budburan ng pagpapala

Parating lihis sa akin ang kung anumang bagay na hawak nya

At ang kanyang piring?

Mas pinipili nyang huwag lumapat sa akin—ang kanyang mata

Dahil sa sobra kong ganda.

 

Sa Pamilihan, bigla na lang akong inabutan

Ng halagang hindi ko mawaring para sa’n

Wala daw akong pinagkaiba sa’king kapaligiran

May halaga, masansang at diktado ng timbangan.

Muli, marahil dahil sa labis kong kagandahan.

 

Nabubulag ang mga adan,

Matino, o nakainom man

Ay pinipili nilang saliwan

Ang himig pangharanang kami lang ang nagkakarinigan.

 

Sa Malakanyang, paminsang akong napasyal

Naisip maglingkod, o kahit maging opsiyal

Nang pinasa ang papel, agad akong hinubaran!

Umuwi daw sa tahanan, manatiling mamamayan.

 

Sa kakahuyan, nakita ko ang lawak ng taniman

Ang talim ng asarol o itak ay akma ko pa lang hahawakan

Ay tumono agad ang sigawan

Doon na lang daw ako sa kubo’t sa may makinang panahian.

 

Sa tahanan, paguwi

Pagod sa pamamalagi

Naroon ang asawa’t, handa ang kumot na puti

Babahiran ng dugo’t, ipagpapatuloy daw ang lahi.

 

Pagkatapos ng huni, hingal at ungol

Alak naman sa oras nya gugugol

Ilang segundo lang, may tanim ng bukol!

Sapak, sampal, pasa, sa akin iuukol.

 

Hintayin mo ako sa aking paglabas

Naroon sa kadenang hindi nakakalas

Ang taglay kong ganda, ganoon ba ka ningas?

Upang ikulong sa hawla’t hindi na makatakas.

 

Makina nga’t siguro’y walang pandama

Wala nga sana, bukod sa sakit alintana

Manika nga’t paglarua’y likas lang sa akin

Ngunit h’wag sigurong ganoon kung abusuhin.

Sa patlang ng lipunan, ako ay nabighani

Ang dahas ng kamao, paminsan sana’y makiliti.

 

 

Ilang taon ang lilipas, sanay sumikat ang inang araw,

Lakas ng loob ang sya nang naguumapaw

Ang palda’y nakaipit na sa ating mga bewang

Natutuhan nang sumalag,

Hindi lamang sumulat

— Ng tula ng paminsan nating pagkalugmok 

 

Nakatanaw sa bintana’t saya’y malamig na suot.

Sa tulad ko sumunod, sana’y wala na…

Namamaalam, Manikang Makina.

Advertisements

One thought on “Manikang Makina

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s